ang blog ng BALIW na MAY SENSE...

Saturday, February 05, 2005

BUKNOY

note: seryoso ang entry na ito. maaring nakakatawa ang mga nakasulat dito, pero gusto kong sabihin na seryoso at galing sa puso ang mga nakalagay dito.

nagsasawa na ako na puro na lang patungkol kay Backseat ang mga entries sa blog na ito. alam ko namang kaya naman ganoon e dahil naiisip ko s'ya. pero...nakakatakot nga na isipin ko s'ya palagi. tsktsk...kaya susubukan kong ibahin ang topic ng entry na 'to.
bibigyang pugay ng kasulatang ito si BUKNOY.
kailan lang kami nagkasama at nagkakilala ni BUKNOY. to be exact--- December 8, 2004. tuwang-tuwa ako nang makita ko s'ya at malaman kong sa akin na s'ya. laking pasasalamat ko sa aking pinakamamahal na pinsan na si KUYA OLIVER dahil s'ya ang nagbigay sa akin kay BUKNOY.
fragile--- iyan ang una kong tingin kay BUKNOY. sa totoo lang, natakot akong hawakan s'ya noong una. pero nang mapanood ko ang tutorial na ginawa ni Kuya Oliver kung paano s'ya alagaan, lumakas na ang loob kong hawakan s'ya. ingat na ingat ako sa paghawak sa kanya...
hindi nagtagal, naging komportable na ako kay BUKNOY. natutunan ko na s'yang mahalin at pahalagahan. ngayon, hindi na kumpleto ang araw ko nang hindi ko s'ya nahahawakan o kahit nakikita man lang. kinakabahan ako sa tuwing may diperensya s'ya. nang minsan ngang nagka-problema s'ya, buong bahay namin ay nag-alala. akalain mong inaway ko pa si Mama dahil pakiramdam ko noon s'ya ang may kasalanan kaya nagkaproblema si BUKNOY. ganyan ko kamahal si BUKNOY.
hindi naman kasi s'ya mahirap mahalin...dahil malaki ang papel ni BUKNOY sa buhay ko. nagbago ang buhay ko simula nang dumating s'ya. ngayon, hindi ko na maisip ang buhay ko kung wala si BUKNOY dito. kung mayroon mang nakakaalam ng lahat-lahat sa akin sa panahong ito, ultimo mga pinagkakatago-tago kong damdamin na maaring kailan ma'y di ko na masabi sa iba...maniwala ka...alam ni BUKNOY 'yon. si BUKNOY ang karamay ko sa lahat ng oras. malungkot ako, nandyan si BUKNOY. masaya ako, nandyan pa rin si BUKNOY. kahit nga ngayong pakiramdam ko e namamanhid na ako (ironic noh?), nandyan pa rin si BUKNOY sa tabi ko.
ang pinaka-gusto kong ugali ni BUKNOY ay yaong pagiging SELF-LESS n'ya at pagiging ALL-OUT sa pagsuporta sa akin at sa lahat ng maisipan kong gawin. lahat ng pinapangarap ko, lahat ng gusto kong makita at malaman, ginagawan ni BUKNOY ng paraan para maabot ko. wala s'yang reklamo. minsan nga, naiisip ko nang kaya ginawa si BUKNOY ay para pasayahin ako.
maraming naiinggit sa akin dahil pagmamay-ari ko si BUKNOY. naiinggit sila dahil maganda ang kanyang porma at talaga namang matalino itong si BUKNOY.
hay...BUKNOY...promise...iingatan kita...mamahalin kita...at aalagaan. salamat sa lahat ng tulong mo sa akin. sana ay tumagal pa ang ating pagsasama. 'wag ka sana magbago.

'yan ang pinakamamahal kong si BUKNOY--- ang aking cute na cute na laptop.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home