ang blog ng BALIW na MAY SENSE...

Tuesday, January 11, 2005

St. Diane?!?

Nakakainis.
Sabi ko sa sarili ko, magsisimba na ako araw-araw. Alam kong aarko ang kilay ng aking mga kakilala, pero isa itong desisyon na balak kong panindigan. Nakakatawa kasi kapag sinabi ko sa mga tao na, “Hindi ako pwede mamaya kasi magsisimba ako” o kaya naman e “Uuwi na ako kasi magsisimba pa ako”, hindi ko maipinta ang mga mukha nila--- hindi naman sila galit, para bang gulat at medyo pilit na pinipigil ang pagtawa. Kadalasan, itinatanong nila sa akin, “Bakit? Anong meron? Ano namang nakain mo? Anong klaseng resolution ‘yan?”
Nakakainis.
‘Yan ang dahilan. Napakarami na kasing bagay sa mundong ‘to ang nakakainis--- napakarami nang bagay sa mundo ko ang nakakainis.
Ayokong naiinis sa isang kaibigan, lalo na kung sobrang close n’ya sa akin. Gaya nang ayoko rin na mayroong naiinis sa akin, ayoko rin yung pakiramdam ng may kinaiinisan. May pagka-salbahe rin naman ako, pero hindi naman ako nananalbahe ng kaibigan. Iba ang impact ng friendship sa akin e. Pero paano kung trabaho na ang pinag-uusapan? Paano kung nabibitin ang isang mahalagang bagay o trabaho na yun nga, mahalaga sa’yo, dahil sa kanya? Paano kung pilit mo s’yang iniintindi, pero para bang ikaw hindi n’ya man lang sinusubukang intindihin?
Naiinis ako kasi naiinis ako sa kaibigan ko. Ayokong mainis sa kanya. Kahit pa sabihin na may dahilan naman talaga para mainis ako, ayoko pa rin. At lalo akong naiinis kasi may tanong na nagpupumilit lumitaw sa pagkakataong ito? Anong mas mahalaga sa’yo, friendship o mataas na grade?!?
Kaya nagsimba na lang ako.
Naiinis din ako sa pagkakataon. Bakit ba ganoon, kung kelan hindi mo na hinihingi ang isang bagay, kung kelan hindi mo na ito gusto, tsaka ito biglang darating sa’yo? Bakit kung kelan hindi mo inaasahan, tsaka dumarating at isang malaking gulatan na lamang ang magaganap? Pero kapag hiniling mo ang isang bagay, pagod ka na sa kakahintay, hindi pa rin nagiging malinaw kung ibibigay ba sa’y ito o hindi. Bakit kung kailan kampante ka na at tanggap mo na ang mga pangyayari, bigla ka na lamang wiwindangin dahil bubulaga ulit ang pagkakataon sa harapan mo?!?
Isinimba ko na lang ang mga tanong na ito.
Naiinis ako dahil hanggang ngayon, wala pang kalinawan kung natanggap ako sa trabaho. Ito talaga yung trabahong nasabi kong gusto ko talagang gawin. Pero hindi ko pa rin alam hanggang ngayon kung tanggap ako o hindi. At ang pinakanakakainis, kung hindi man nakakainip ay ang paghihintay. Aba, nagi-invest ka rin naman ng iba’t ibang emosyon habang naghihintay, diba?
Nagsimba na lang ako habang naghihintay.
Nakakainis dahil patung-patong ang kailangan kong gawin. Sa org, sa simbahan, sa bahay, at syempre sa acads. Nakakainis dahil hindi ako makapagreklamo dahil pinili ko ‘to. At nakakainis na nakikita ko ang sarili ko na aligaga sa kaka-asikaso sa lahat ng kailangan kong gawin. Hindi ko magawang tumigil dahil nga gusto ko ang ginagawa ko. Naiinis ako dahil masaya ako na marami akong ginagawa. Naiinis ako dahil nakakayanan kong hindi indahin ang pagod at kangaragan.
Kaya diretso na lang ako sa simbahan pagkatapos ng lahat ng gawain sa isang buong araw.
Ilan lang ‘yan sa mga bagay na kinaiinisan ko.
Ilan lang ‘yan sa mga dahilan kung bakit naisip kong magsimba na araw-araw.
Nagsisimba ako para tulungan Niya akong hindi na mainis…para rin maging malinaw sa akin ang lahat…para matutunan kong matanggap ang mga bagay na ibinabato ng pagkakataon…para bigyan pa Niya ako ng mas mahabang pasensya sa paghihintay… para rin makahugot ako ng lakas na malampasan at matapos ang mga bagay na kailangan kong gawin--- at para sa pagtatapos ng isang araw, sa Kanya ako makakahugot ng pahinga na papawi sa lahat ng pagod, galit, kaguluhan at inis sa loob ko.
Hindi ako santa. At hindi ako nagpapaka-santa. Nagkakasala pa rin ako.
Sa pinakamababaw na paliwanag, maari kong sabihing kaya ako bumabaling sa Kanya ay dahil wala akong boyfriend na pagbabalingan. Pero maiisip mong kahit sinong lalaki, hindi kayang tumbasan ang kasiyahan at gaan ng loob na maibibigay Niya sa atin.
Hindi ko rin kayo pinipilit na maniwala. Wala lang. Sinabi ko lang.
Pero kung iisipin---
Maganda rin naman pakinggan ang St. Diane, diba?
Hehe.
Nakakainis.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home