ang blog ng BALIW na MAY SENSE...

Wednesday, December 29, 2004

WALA!

Wala.
Tulala ng ilang minuto.
Tapos---
Wala.
Seryoso.
Siguro nga pangit at masama na wala akong reaksyon--- edi masama na kung masama. Pangit na kung pangit. Anong magagawa ko kung wala talaga?
Mag-iisang linggo na mula nang malaman kong wala na si Jacket guy. Oops--- buhay pa s’ya, pero hindi na s’ya nag-aaral sa UP. Hindi ko na ipapaliwanag kung bakit, dahil wala ako sa posisyon para ikuwento kung anong nangyari. Sinabi lang rin kasi sa akin ng kaibigan ko. Pero yun nga, wala na nga s’ya, at mukhang malabo na makita pa namin s’ya.
Sa pagkakaalala ko, nakatanggap pa ako ng text message mula sa kanya nang magsimula ang 2nd sem.
“…I will never forget you because you are one of the greatest souls that has touched my life…”
Naks. Drama.
Number lang ang lumabas kaya itinanong ko kung sino s’ya. At nang malaman ko na si Jacket guy yun, hindi na ako nag-abalang magreply. Natawa at nainis ako sa kanya dahil bigla na lang nagparamdam. Kakabalita rin lang kasi sa akin na kakahiwalay lang nila ni Mahiwagang Elesi kaya naisip ko na nanggagago lang s’ya nang mga panahong ‘yan. Baka bumabawi lang. Kaya hindi ako nag-reply.
Kung alam ko lang na maaring iyon na pala ang huling posibilidad na makausap ko s’ya, ‘di sana kinamusta ko man lang s’ya. Pero gaya nga ng kasabihan, nasa huli na ang pagsisisi.
Hindi naman ako nagulat nang malaman ko ang nangyari sa kanya. Madalas ko naman din kasing nakakasalubong ang mga kaibigan n’ya at minsan nga, nagtaka ako kung bakit hindi ko na s’ya nakikitang kasama nila. Nang minsang hinanap s’ya sa akin ng isang kaibigan, nagbiro pa kamo ako na baka hindi na s’ya nag-aaral sa UP.
Kaya nang malaman ko, natulala ako.
Tama pala ang biro ko.
Halos lahat ng kaibigan namin nalungkot at naawa nang malaman ang nangyari sa kanya. Ang iba’y nanlumo. Pero isa lang ang sinasabi nila---
“Alam mo kung hindi nangyari sa inyo yun, malamang nahatak mo pa ‘yon at napatino…”
Siguro nga. Pero maari rin namang hindi.
At nainis pa kamo ang karamihan sa kanila nang mapansin nilang parang balewala lang sa akin ang lahat. Na habang silang lahat ay nalulungkot at naawa, ako nama’y naiinis dahil hindi ko masagutan ang homework ko sa Math. Na habang pinag-iisipan nila kung bakit nangyari kay Jacket guy iyon, ako nama’y nag-iisip kung saan ko mabibili ang magazine na isang linggo ko nang hinahanap.
Para raw wala kaming pinagsamahan. Anong klaseng kaibigan raw ako.
Wala. Iyan ang pinaka-eksaktong paglalarawan sa naramdaman ko. Hindi naman ako ganoon kasama para maging masaya sa nangyari sa kanya. Nakakalungkot din naman kahit papaano. Pero hindi ako nakaramdam ng kahit katiting na awa sa kanya.
Masama mang ituring, pero iyon talaga ang totoo.
Kilala ko si Jacket guy. Dati, lagi n’yang iniyayabang sa akin ang mga bagay na kaya n’yang gawin. Kaya nga ba’t kahit maikli lamang ang panahon na nakasama ko s’ya, kayang-kaya kong sabihing matalino s’ya at talentado. Totoo yon.
Pero, tayo ang may hawak ng buhay natin. At tanging tayo lamang ang maaring magdesisyon sa kung anong gagawin natin dito. Nasa atin na rin ang pasya kung paano natin gagamitin ang talino at talentong ipinagkaloob sa atin.
Nasa kanya ang desisyon kung aayusin n’ya ang buhay n’ya o hindi. Wala sa akin o kanino man. Sa palagay ko, ang dapat lang kaawaan ay ang mga taong bobo na talaga noong ipinanganak, o ‘di kaya’y alam mong wala talagang kapasidad para paituwid ang buhay n’ya. Pero kung isang taong malakas at matalino ang pinag-uusapan, gaya ni Jacket guy, at hinayaan n’yang magkanda leche-leche ang buhay n’ya, hindi s’ya dapat kaawaan. Desisyon n’ya ‘yon. Kailangan handa s’yang harapin ‘yun.
Lagi kong sinasabi na lahat ng bagay sa buhay natin, lahat ng desisyon na ginagawa natin ay may kapalit--- o trade-off. Ang kagandahan lang siguro ng pananalig ko sa kasabihang ito ay mas madali kong natatanggap ang mga nangyayari sa buhay ko---- maganda man o hindi.Kapag may magandang nangyayari sa buhay ko, natatanggap kong maaring hindi ito magtagal, kaya nilulubos ko. Kapag naman hindi masyadong maganda ang nangyari sa akin, tinatanggap ko parin, dahil naniniwala akong may magandang kapalit ito pagkatapos.
Kaya para sa’yo jacket guy…

There’s a rainbow always after the rain…

0 Comments:

Post a Comment

<< Home