ang blog ng BALIW na MAY SENSE...

Tuesday, October 25, 2005

Paminsan...

Finally, masasabi ko na na--- SEMBREAK NA!

Simula noong Wednesday ng gabi, sembreak ko na naman talaga e. Pero ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataon na sabihin ito dahil…
---

Noong Wednesday ng gabi, masyadong pagod ang utak at buong katawan ko para makapagsalita pa. Isipin niyo, simula Sabado hanggang Wednesday ng umaga ay nag-aaral ako para sa Comm 120, ang infamous class ko with THE Professor Avecilla. Ito na ang pinakamatindi at pinakamahabang pag-aaral na ginawa ko sa buong buhay ko. Nahigitan pa nito ang pagrereview ko para sa UPCAT at ACET. Grabe talaga.

Ala-una naka-schedule ang aming exam, kasabay ng exam ng 2 pang class ni Sir Chito (BC 100 at Comm 191). Expected na namin na late siyang darating, style na talaga niya yun eversince. Pero hindi kami naging prepared sa pagdating niya AFTER 3 AND A HALF HOURS! Cmownst, sa tagal ng paghihintay na ‘yun, unti-unting nalagas ang mga pinag-aralan ko sa utak ko at unti-unting gumapang ang antok sa sistema ko.

Pagdating ni Sir, akala niyo ba sinimulan na niya ang exam? Hindi pa rin. Ang walang kasing bait na prof na ito, sukdulan ba namang isiksik ang more than 75 students mula sa kanyang tatlong klase sa iisang maliit na room?!? Kamusta naman!

Sa unang tingin, madali ang exam. Multiple choice e. Pero subukan mong sagutin ang isang 80 items na exam na mayroong 160 choices. Ang sakit talaga sa ulo!

Pero sa awa ng Diyos, at salamat na rin sa intercession ni St. Anthony de Padua, natapos ko ang exam. Keber na kung ano ang grade ko…basta…natapos ko!
---

Sinundo kami nila Rica sa Masscom matapos ang exam. Sa kanila kami matutulog bago ang aming block outing. Ang saya-saya talaga kila Rica! Lafang kung lafang…at sarap ng tulog ko pagkatapos.
---

Paggising namin TAGAKTAK na. Sobrang excited ako dahil finally, makakaswimming na ulit ako. Gusto ko sanang ikwento ang mga pangyayari, pero napapagod ako. Kaya ‘wag nalang.
Ang saya-saya talaga ng aming outing! Sa mga wala nung outing…hay…mamatay kayo sa inggit! Jooooooooke! Next time ulit!
---

Akala niyo dun na nagtatapos ang aking post? Hindi pa! Last na ‘to…

Nung isang araw, nag-aayos ako ng gamit nang mapulot ko ang isa sa mga essays na ginawa ko para sa isang tao. Kung sino siya, hindi na mahalaga ‘yun. Basta nagandahan ako sa isinulat ko. Naisip ko lang, sana magamit ko at masabi ko ulit ang mga bagay na ito sa isang tao…kay SIYA.

Here it is: (in-edit ko na siya para pwede nang gamitin ulit)

PARA SA'YO

Nagulat ka, noh?
Oo ako ito--- at oo, para sa’yo ito. Madaling araw na pero mulat na mulat parin ako. Buhay na buhay pa rin ang isipan ko… napakabilis ng pintig ng puso ko. Nakakatawa--- sapagkat magkaayon ang aking puso’t isipan. Isa lamang ang nilalaman, isa lamang ang itinitibok at isinisigaw: ikaw.
Hindi ko alam kung paano ito nagsimula. Lagi naman akong ganito, hindi ko lagi alam kung saan at paano nagsisimula ang kahit anong sinisimulan ko sa buhay ko. Para bang lahat ng nangyayari sa akin, kusa na lamang dumarating. Dumarating ito nang hindi ko inaasahan.
Parang ikaw. Dumating ka sa buhay ko sa hindi inaasahang panahon.
Akala ko noong una wala-wala lang ‘to. Naaliw ka sa akin, naaliw ako sa’yo. Nagsimula sa biruan, hanggang kwentuhan na ng paunti-unti, telebabad, puntahan sa bahay ng isa’t isa, nood-nood ng sine, pagpapalitan ng text messages…
Sinabi ko sa’yo minsan na naaaliw ako sa’yo. Tumawa ka. Biniro mo akong diyan nagsisimula ang lahat. Tumawa ako. Ano naman ang ibig mong sabihin? Tumawa kang muli. Biniro mo ako at sinabing pakiramdam mo, ‘di maglalaon ay magkakagusto na ako sa’yo. Baka ikaw pa kamo ang magkagusto sa akin, biro ko naman sa’yo. Nagtawanan tayong dalawa. Sino nga kaya sa atin ang unang magkakagusto sa isa’t isa? Mayroon kaya? Walang humpay tayong nag-asaran at nagbanatan tungkol dito. Sa huli, iisa lamang ang ating napagkasunduan--- bahala na, tignan na lamang natin ang mangyayari.
Hanggang sa ang pagkaaliw ko’y naging pagkatuwa…naging paghanga…naging pagkakilig…naging pagka-interesado…naging pagkagusto…hanggang sa maging pagkahumaling…
Mahal na ‘ata kita eh.
Alam kong natatakot kang marinig ang mga salitang iyan mula sa akin. Tandang-tanda ko pa nang sinabi ko sa’yo minsan na kapag nasabi ko ang mga salitang ‘yan sa iyo, hindi na kita kakausapin. Kaya nga ako man ay natakot ding dumating ang araw na masasabi ko ‘yan sa’yo, hindi dahil natatakot ako sa magiging reaksyon mo--- kung hindi dahil ayokong tuluyan kang hindi kausapin.
Natatakot akong hindi ka na kausapin.
Higit pa roon--- natatakot ako sa nararamdaman ko. natatakot ako sa tuwing magkasama tayo. Natatakot ako sa tuwing magbibiruan tayo. Natatakot ako sa kasiyahang nararamdaman ko sa tuwing kausap kita. natatakot ako sa damdaming patuloy na tumitindi habang lumilipas ang mga araw. Natatakot akong malaman ng buong mundo ang nararamdaman ko. Natatakot akong aminin sa sarili kong natututunan na kitang mahalin.
Pero gaya na rin ng sinabi ko sa’yo noon, wala na akong pakialam sa mundo--- ang importante ay masaya ako.
At totoo, masaya ako.
Masaya ako na pumasok ka at naging bahagi ng buhay ko. Masaya ako na nabigyan ako ng pagkakataong makilala ka. Masaya ako sa tuwing masaya ka. Masaya ako sa halos araw-araw na kasama at kausap kita. Masaya ako na sa araw-araw na magkasama tayo’y lalong tumitindi ang nararamdaman ko para sa’yo. Masaya ako na malamang unti-unti na kitang natututunang mahalin.
Mahal na nga siguro kita.
Nagulat ka, noh?
Oo ako ito--- at oo, para sa’yo ito.

Psst…sana isang araw, maibigay ko ‘to sayo. ‘Yun na. Tuldok.

Finally. Sembreak na.


0 Comments:

Post a Comment

<< Home