ang blog ng BALIW na MAY SENSE...

Friday, July 15, 2005

Buwan

Pagbigyan n'yo na ang kakornihan ng isinulat ko. Pasensya na, alam n'yo namang ganyan ang mga naisusulat ko kapag emotional ako e...

Napakagandang tignan ng buwan tuwing gabi.
Para bagang napaka-payapa nito, napaka-tahimik, napaka-misteryoso. Para bagang kung anong hiwaga ang bumabalot dito. Para bagang sa hindi maipaliwanag na paraan, nais nitong pukawin ang iyong diwa upang bigla kang mahalina at maanyayang tuklasin ang hiwagang ito.
Ilang gabi na rin akong nahuhumaling sa kagandahan ng buwan. Ilang gabi ko na ring nahuhuli ang aking sariling pinagmamasdan at hinahangaan ang hindi naman perpekto ngunit kaaya-ayang anyo nito. Ilang gabi na ring dumadaluyo sa aking isipan ang matinding pagnanais na maintindihan ang hiwagang taglay nito. Ilang gabi na ring hindi ko matanggal ang buwan sa aking isipan. Ilang gabi na ring pilit kong isinasadiwa at iniintindi ang bigla kong pagkahumaling dito.
Ilang gabi na rin…ilang gabi na ring bumubugso sa aking pagkatao ang pagnanais na nakawin ito sa kanyang langit--- upang matitigan ko ito ng matagal, upang mahagkan ko ito kahit sandali at upang masabi ko dito kung gaano niya nabibigyan ng kasiyahan at kapayapaan ang puso ko sa hindi maipaliwanag na paraan.
Pero napakalayo ng buwan. Napakahirap niyang abutin. Magkaiba kasi kami ng langit na ginagalawan.
Nakakainis. Naiinis ako na napansin ko pa ang buwan noong gabing iyon, at simula noo’y nahumaling na ako sa kanya. Naiinis din ako sa buwan. Dahil kahit na alam kong mahirap siyang abutin at angkinin, hindi ko pa rin maalis ang kagustuhan kong maabot siya. Dahil kahit na mas gusto ko ang liwanag kaysa sa dilim, kahit na mas gusto ko ang maingay na tunog ng umaga kaysa sa nakabibinging katahimikan ng gabi, kahit na mas panatag ako sa init ng araw kaysa sa lamig ng gabi--- kahit na mas pipiliin ko ang araw sa gabi, hindi ko na maiwasang hindi abangan ang gabi-gabing paglitaw ng buwan sa madilim na langit at pagmasdan ito ng walang humpay habang nalulunod sa tahi-tahing katanungang hindi ko alam kung kailan ko malalaman ang kasagutan---
Ano kaya ang pakiramdam ng mahawakan ang buwan? Ano kaya ang pakiramdam ng matitigan ito ng malapitan? Ano kaya ang pakiramdam ng mayakap ito kahit sandali?
Sana ibulong na sa akin ng buwan ang sagot…
…bago pa man muling sumikat ang araw.


1 Comments:

  • don't cry little one... :D
    --shinichi the marathon man

    By Anonymous Anonymous, at 6:23 AM  

Post a Comment

<< Home