ang blog ng BALIW na MAY SENSE...

Sunday, September 17, 2006

Maipagpag ko lang ulit

Grabe...parang naipaliwanag lang ng blog entry ko na ito dati ang nararamdaman ko ngayon... here are excerpts from my blog entitled "'Tol"...

‘Lam mo, mag-iilang linggo na akong patay. Pakiramdam ko, nakahiwalay na ang kaluluwa ko sa katawan ko--- pakiramdam ko, ilang linggo na akong naglalakad ng walang kaluluwa. Acads, org, dito sa bahay, lahat ‘yan dinadala ko. Minsan, pakiramdam ko hindi ko na pag-aari ang sarili ko. Nitong mga nakaraang araw, pakiramdam ko hindi ko na kilala ang sarili ko.Itong linggong ‘to ang pinaka-pangit na linggo para sa akin. Nakakapagod, nakakadisappoint…puro problema, puro hassle…pakiramdam ko e gusto ko nang bigla na lamang ako lamunin ng lupa at mawala na lang bigla.Kasabay ng lahat ng iyon--- hindi tayo nagkikita o nag-uusap. Which, I must admit, made things much harder to bear. Itinuring na kitang isang aspeto sa buhay ko na bumabalanse sa lahat, kaya siguro nung naging malabo na ang aspetong ikaw, nawala ang balanse.
Kadiri, noh?
Ako man nandidiri sa sinasabi ko. Hindi ko pinangarap na umabot sa puntong ganito. Ayoko. At hindi dapat.
Kahapon, nagkita tayo. Nagkausap. Sa totoo lang, ang tagal kong hinintay ang pagkakataong ‘yun. Yung makatabi ulit kita. Yung maglokohan ulit tayo. Yung maasar na naman ako sa kapreskuhan mo.At yun nga, nagkita tayo at nagkausap. Pakiramdam ko, nakita ko na sa puntong iyon ang dahilan kung bakit napakatagal kong hinintay ang pagkakataong iyon; pakiramdam ko, naging malinaw na sa akin ang lahat sa pagkakataong iyon.
‘Tol--- iyan lang ang tingin mo sa akin.
Hindi ko alam kung matutuwa ako dahil tama naman pala ang naiisip ko simula’t sapul, o iiyak ba ako dahil alam ko namang kahit handa akong ganoon ang kalabasan, somewhere inside me, I’m wishing na there is more for us than just being buddies.
Pero ganoon talaga. Sa isang laro, may panalo, at syempre, may talunan.
Hindi ko sinasabing natalo ako. Hindi na ganoon kababa ang tingin ko sa sarili ko. Kung tunay ngang napagdesisyunan mo na ang papel ko sa buhay mo, at mananatili na lamang akong ‘tol, naniniwala akong isa iyan sa mga pinakatangang desisyon na gagawin mo sa buhay mo. Dahil espesyal ako. Dahil alam kong kaya kitang pasiyahin. Dahil alam kong maaring ako ang isa sa pinakamagandang mangyayari sa buhay mo.
Pero hindi ko rin sinasabing talo ka, at panalo ako. Dahil kung tunay ngang napagdesisyunan mo na ang papel ko sa buhay mo, at mapagdesisyunan ko mang tanggapin iyon, naniniwala akong isa itong magandang pagkakataong palalampasin ko. Dahil espesyal ka. Dahil alam kong kaya mo akong pasiyahin. Dahil alam kong maaring ikaw ang isa sa pinakamagandang mangyayari sa buhay ko.
Pero gaya ng panonood ng sine--- may katapusan din ang paglalaro.
Pero--- hindi gaya nang minsang manood ako ng sine, ang paglalaro ay isang bagay na hindi basta basta natatapos, kung hindi ito tatapusin ng mga naglalaro nito. Naiintindihan kong di tulad ng panonood ng sine, kung saan wala akong magagawa kapag natapos na ang palabas, alam kong, sa pagkakataong ito, may magagawa ako.At gusto kong malaman mo, na ayoko pang tapusin ang larong ito. Hanggang sa mapagod ako. Hanggang sa hindi ko na kaya.Isa lang ang gusto kong malaman. Isa lang ang gusto kong itanong sa’yo---
Pagod ka na ba? Ayaw mo na bang maglaro?
Ako, hindi pa.
Pero kung pagod ka na, sabihin mo lang--- pagpapahingahin kita.
Paiinumin ng tubig.
Pagkatapos, laro ulit.
Ganoon ang tunay na mag-‘tol, diba?‘
Tol.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home