ang blog ng BALIW na MAY SENSE...

Tuesday, November 15, 2005

Hindi ko kailangan ng SALBABIDA!

Labo talaga.

Minsan nga iniisip ko, mas okey ba na malabo pero meron o mas okey nalang na wala? O malabo nga ba o wala naman talaga? Kung meron man, kailan ito nagsimula? Tapos na ba ito? Kung meron man, paano ko ito ilalarawan at ipapaliwanag? Seryoso ba ito, o gaya ng hinala ko, isang laro lang? Ngunit kung paglalarawan din lang, mayroon nga ba akong dapat ilarawan? O ilusyon lamang ang lahat?

Diba ang labo?

Isa lang ang malinaw.

Hindi ako malulunod ng gaya ng iniisip ninyong lahat.

Noong isang araw, nang magawi ako sa isang lugar na ngayon ko na lamang ulit nabisita, nakakatawa dahil halos lahat ng magpapaalala sa akin sa mga pagkalunod ko dati ay tumambad sa mukha ko--- ang jacket, ang backseat, pati kamo ang pusa ay nagparamdam sa hindi ko maipaliwanag na paraan.
Bakit kamo ako nalunod dahil sa kanila? Dahil hindi ako marunong lumangoy, pero hinayaan pa rin nila akong lumusong sa dagat. Noong una, kuntento na ako sa bahagi ng dagat na malapit lang sa dalampasigan. Pero totoo nga yatang nakaka-adik ang tubig ng dagat at nawili ako sa pagbabad dito. Hindi ko napansin na inaanod na pala ako ng mga alon at dinadala na ako ng mga ito sa malalim na bahagi ng dagat. At dahil nga hindi ako marunong lumangoy, nalunod ako.
At nasaan ang jacket, ang backseat at ang pusa? Nasa dagat rin. Marunong man silang lumangoy o hindi, walang kaso, hindi sila malulunod.
Dahil lahat sila, may dalang salbabida.
At hindi sila handang ipahiram ang kanilang mga salbabidang sa akin. Dahil sa lalim ng dagat, sila mismo ay takot malunod. Ang jacket? Natatakot malunod. Ang backseat? Ayaw malunod. Ang pusa? Ayaw niyang malunod sa dagat na ‘yon sapagkat sabi niya, kung malulunod daw siya, gusto niya sa mas magandang dagat. Dun sa pinapangarap niyang dagat.
Kaya habang silang lahat ay nababalot ng proteksyon ng kanilang mga salbabida, hayun ako, sa malalim at nakakatakot na bahagi ng dagat, nag-aagaw buhay. Pinipilit na itawid ang aking sarili at bumalik sa dalampasigan. Sa awa ng Diyos, naibalik ko ang aking sarili sa lupa.
Pero sasabihin ko sa inyo ngayon, napakahirap malunod ng tatlong sunod-sunod na beses.
Nakakainis. Nakakapagod. At nakakasawa.

Pero kung mayroon mang naidulot na mabuti ang tatlong karanasang ito, iyon ay ang tulungan akong magkaroon ng determinasyon para matutunan kung paano lumangoy--- kung paano lumangoy ng maayos para hindi na ako muling malunod pa. Sa pag-aaral ko kung paano lumangoy, napag-isip-isip kong hindi naman kasalanan ng jacket, ng backseat at ng pusa na nalunod ako. Oo, kasalanan nilang hindi ako pahiramin ng salbabida, pero hindi nila kasalanang naisip nilang gumamit ng salbabida para sa kanilang mga sarili para hindi sila malunod. Karapatan nila at responsibilidad nila sa kanilang mga sarili ang iligtas ang kanilang mga sarili mula sa pagkalunod. Ako man ay may karapatan din at responsibilidad na gawin ‘yun. Pero masyado akong naengganyo ng dagat at nakalimutan kong magdala ng salbabida. Kaya kung nalunod man ako, aba’y kasalanan ko rin ‘yun.

Kayo man ang malunod ng tatlong beses, hindi niyo ba sobrang nanaisin na matutong lumangoy? Hindi niyo ba nanaising huwag nang malunod na muli?

Nag-aral na akong lumangoy. At marunong na ako, sa maniwala kayo’t sa hindi. Natuto na ako ng tamang paglangoy. Ito ay isang katotohanang nais kong ipaniwala sa akin sarili. Dahil alam kong kapag ganito ang aking inisip, at sinamahan ko pa ng tapang at determinasyon, gagaling din ako sa paglangoy.

Ganoon na lamang ang aking determinasyon na huwag nang malunod muli. Matindi. Sobrang tindi. Kaya sinasabi ko na sa inyo ngayon, at paulit-ulit kong sasabihin sa inyo---

Hindi ako malulunod ng gaya ng iniisip ninyong lahat.

At kontra sa sinasabi ninyong lahat, hindi ko na rin kailangan ng salbabida.

Dahil marunong na akong lumangoy.

Labo noh?

Labo talaga.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home